PCG at PNP, magkatuwang na magbabantay ng mga kolorum na sasakyang pandagat

Magkatuwang na babantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) ang mga kilalang tourist spots na tiyak na darayuhin ng mga bakasyunista ngayong Semana Santa.

Ito ay makaraang hingin ng PCG ang tulong ng PNP para labanan ang mga kolorum na bangka na kadalasang ginagamit sa island hopping.

Sa inter-agency meeting kamakailan sa Kampo Krame ay sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na karaniwang namamayagpag ang mga kolorum na sasakyang pandagat tuwing Mahal na Araw.


Inamin din ng PCG na kulang ang kanilang mga tauhan para mabantayan ang lahat ng baybayin sa bansa.

Kaya’t nangako ang PNP na tutulungan ang Coast Guard sa pagbabantay ng coastal areas at huhulihin ang mga kolorum na sasakyang pandagat upang makaiwas sa trahedya sa karagatan ngayong Holy Week.

Facebook Comments