Magsasagawa ng inspeksyon ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at Philippine National Police sa nasunog na pampasaherong roll-on-roll-off (RoRo) vessel sa Batangas.
Ang naturang team ay bumiyahe na kaninang alas-8:00 ng umaga patungong Batangas Anchorage area.
Ayon sa PCG, dalawa pang pasahero ang hindi pa matagpuan sa ngayon at iniimbestigahan pa kung missing ang mga ito o na-rescue sila at agad na nakauwi bago ang documentation.
Sa kabuuang 49 kasi na pasahero ng nasunog na MV Asia Philippines, 47 dito ang na-rescue na.
Habang nasagip din ang lahat na 38 na crew ng RoRo.
Sa inisyal na imbestigasyon, 90% ng third deck at 80% ng second deck ang tinupok ng sunog.
Nakita rin na tumagilid ang barko dahil sa insidente
Bandang 10:20 kagabi, sinimulan ang towing operation sa RoRo papunta sa Batangas Anchorage area at nakarating ito pagkalipas ng 25 minuto.
Ayon sa Starlite Ferries Inc. na tumulong sa operasyon, may laman na tinatayang 16,000 litro ng automotive diesel oil ang fuel tank ng MV Asia Philippines.