PCG, binalaan ang mga pasahero na planong magbitbit ng ipinagbabawal na paputok

Binalaan ng Philippine Coast Guard o PCG ang mga pasahero laban sa pagdadala ng mga paputok sa kanilang biyahe, ngayong nalalapit na ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Capt. Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, sinabi nito na mahigpit na ipinagbabawal ang mga paputok sa lahat ng mga sasakyang-pandagat.

Kaya naman bilin niya sa mga pasahero, huwag nang magtangka na maipasok sa mga pantalan at maipuslit ang anumang uri ng mga paputok sa mga barko, Ro-Ro vessel at iba pang sasakyang pandagat.


Batay sa listahan ng Department of Health o DOH, ang mga ipinagbabawal na paputok ay:

– Piccolo

– Super Lolo

– Watusi

– Atomic Big Triangulo

– Lolo Thunder

– Pillbox

– Boga

– Sinturon ni Hudas

– Big Bawang

– Goodbye Philippines

– Bin Laden

– Kabasi

– Atomic Bomb

– Five Star

– Pla-pla

– “Og”

– Giant Whistle Bomb

Nabatid na bago pa man makapasok sa pier o terminal ang sinumang pasahero ay dadaan ito sa inspeksyon ng mga tauhan ng Coast Guard at K-9 unit.

Kapag ang pasahero ay may dalang paputok o kaya ay may kargamento nito na walang kaukulang permit, agad itong kukumpiskahin at hindi na makukuha pa.

Facebook Comments