Patuloy na ide-detain ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang foreign vessel na kanilang hinuli noong nakaraang linggo matapos hindi magpakita ng mga dokumento.
Ayon kay PCG Spokesperson Armand Balilo, nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon hinggil dito ang National Intelligence Coordinating Agency pero sa panig nila ay wala nang problema basta’t maayos na ang mga kinakailangang dokumento gaya ng mga safety certificate.
Sa ulat ng PCG, nakarehistro sa Sierra Leone ang MT Hyperline 988 na may sakay na pitong Chinese national at namataan sa bisinidad ng San Felipe, Zambales.
Nagawa pa itong radyuhan ng mga tauhan ng Coast guard pero hindi ito sumasagot at nakapatay ang automatic identification system.
Napag-alaman na nagmula ang mga ito sa Hong Kong noong May 11 at patungo sanang Manila Anchorage Area pero hindi na itinuloy dahil sa mahal na babayaran kaya dadaong na lang sana sa Zambales kung saan sila hinuli.