PCG, handa na sa pagbibigay ng seguridad at kaayusan sa SEA Games

Tinitiyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na kasado na ang kanilang mga tauhan sa pagbibigay ng ayuda sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng manlalarong kalahok sa Southeast Asian Games o SEA Games 2019 upang makatiyak na walang anumang masamang mangyayari.

Target ng PCG ang zero casualty sa 12-araw na sporting events na magsisimula sa Nobyembre a-30 hanggang Disyembre a-11.

Ayon kay PCG Commandant Vice Admiral Joel Garcia, makatitiyak ang sambayanan na mananaig ang professionalism, commitment at gallantry ng bawat tauhan ng coast guard sa pagtugon sa kanilang responsibilidad sa nalalapit na SEA Games kaisa ang ilang tauhan ng pamahalaan at LGUs.


Sinabi ni Garcia, libu libong personnel at mga asset ang ipinakalat para sa sporting events kabilang dito ang  25 rigid hull inflatable boats, aluminum boats, kasama na rin ang mga maliliit na bangka na ipinakalat na sa La Union at Subic, Zambales kung saan gagawin ang surfing at iba pang water sports events, gayundin sa mga hotel sa  Metro Manila, Batangas at iba pang lugar kung nasaan ang mga atleta.

Bahagi din ng Task Group Southern Luzon ang ilang PCG-Batangas personnel kung saan nasa 7,899 ang miyembro nito na magbibigay ng seguridad sa competition venues sa CALABARZON.

Nabatid kay Garcia na noon pang a-20 ng Noyembre ay pinakalat na ang K-9 contingents sa mga competition venue kung saan ang apat na PCG K9 teams ay bahagi ng Sub-Task Group Protection Technical Service na nagsasagawa ng paneling and sanitation sa mga sporting venues and events.

Facebook Comments