PCG, hihingi na ng tulong sa mga kalapit na bansa sa paghahanap ng 14 na Pilipinong tripulanteng nawawala sa Occidental Mindoro

Plano na ng Philippine Coast Guard (PCG) na humingi ng tulong mula sa mga kalapit na bansa sa paghahanap sa 14 na Pilipinong tripulanteng nawawala matapos mabangga ng Hong Kong vessel na MV Vienna Wood ang kanilang fishing boat sa Occidental Mindoro.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, nahihirapan na ang mga rescue workers sa paghahanap sa mga biktima na pinangangambahang napasama sa paglubog ng F/V Liberty 5.

Mangangailangan na sila ng payo mula sa ibang bansa kung ano ang gagawin sakaling nasa loob pa ng barko ang mga biktima.


Maari din silang humiram ng advanced equipment sa ibang bansa para makumpirma na ang mga pasahero ay nasa loob ng fishing boat.

Sinabi rin ni Balilo na hinihintay nila ang rekomendasyon ng mga local rescuers kung ihihinto na ang paghahanap lalo na at inaabot lamang ng hanggang pitong araw ang search and rescue operations depende sa kondisyon ng dagat at panahon.

Bukod sa PCG, may mga tauhan ng Philippine Navy, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang disaster risk reduction management teams ang ipinadala sa lugar kung saan nangyari ang banggaan.

Natapos na nila ang kanilang imbestigasyon sa mga crew ng Vienna Wood, pero hindi muna nila isasapubliko ang resulta.

Nagbigay na sila ng ₱20,000 cash assistance sa bawat pamilya ng mga nawawalang Pilipino.

Ngayong araw ang ikalimang araw ng search and rescue operations.

Facebook Comments