PCG: Ilang repatriated OFWs na positibo sa COVID-19, tumakas sa quarantine facilities

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na ilang repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) na nag-positibo sa COVID-19 ang nakatakas mula sa mga quarantine facility.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, nakatakas ang mga OFW bago pa man lumabas ang resulta ng kanilang test at ngayon ay nasa bahay na nila at nakakahalubilo ang kanilang pamilya.

Pinaghahahanap na ng mga otoridad ang mga tumakas na OFWs habang iniimbestigahan na rin kung sino ang kanilang kasabwat.


Aniya, maaari silang sampahan ng kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.

Pakiusap ni Balilo sa mga OFW, habaan ang pasensya sa paghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 test.

Nakikipagtulungan na rin ang PCG sa Bureau of Quarantine (BOQ) para mapabilis ang paglalabas ng mga test result.

Nabatid na nasa 18,000 OFW ang stranded sa Metro Manila dahil sa pagtanggi ng kanilang mga Local Government Unit (LGU) na makapasok sila sa probinsya bunsod ng banta ng COVID-19.

Samantala, papayagan nang makasakay ng barko papuntang Visayas at Mindanao ang mga repatriated OFW na gumaling na mula sa COVID-19 at nakatapos na sa kanilang quarantine period.

Ayon sa PCG, kailangang may certificate mula sa Philippine Red Cross at quarantine clearances ang mga OFW bilang patunay na negatibo na sila sa COVID-19.

Facebook Comments