Dalawang barko ang naiulat na nagbanggaan sa karagatang malapit sa Cavite City ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang nasangkot sa insidente ay ang motor tanker na Rich Rainbow at Bulk Carrier na Ivy Alliance.
Nangyari ang banggaan alas-9:50 kagabi sa layong tatlong nautical miles mula sa Cavite City.
Nabatid na ang motor tanker na registered sa ilalim ng flag of panama ay may kargang gasolina habang ang bulk carrier na registered sa ilalim ng flag of marshall island ay may karga naman na mga uling.
Sinabi ni Balilo na sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Coast Guard Sub-Station Cavite upang malaman ang pinagmulan ng insidente.
Dagdag pa ni Balilo na base sa inisyal na ulat, wala namang nangyaring oil spill pero nagkaroon ng mga butas ang mga barko.
Lahat naman ng mga sakay o crew ng dalawang barko ay nasa maayos na kalagayan.