
Nagsalita na ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa naging pahayag kamakailan ni Cavite Rep. Kiko Barzaga laban sa kanilang hanay.
Ayon sa PCG, iginagalang nila ang karapatan ng mga halal na opisyal na maglabas ng opinyon sa mga pambansang isyu.
Sa kabila nito, tinawag nilang hindi patas ang mga pahayag ni Barzaga.
Sinabi ng kongresista na dapat i-abolish na ang PCG dahil nag-aaksaya lamang umano ng pondo rito ang gobyerno.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, ang Coast Guard ay isang propesyonal, disiplinado, at responsableng ahensya ng pamahalaan na kumikilos nang may ganap na transparency at nasa ilalim ng civilian oversight.
Bukas aniya ang PCG sa pampublikong pagsusuri, at anumang lehitimong reklamo ng katiwalian ay agad nilang iniimbestigahan alinsunod sa due process.
Handa rin daw silang makipagdayalogo kay Barzaga at sa mga mambabatas upang malinawan ang mga maling akala at mapatatag ang ugnayan para sa seguridad at kaligtasan sa karagatan.
Bukod dito, binatikos din ni Barzaga ang umano’y korapsyon sa PCG dahil sa pagbibigay ng mataas na ranggo sa mga politiko.
Ngunit nilinaw ni Cayabyab na magkaibang organisasyon ang PCG at ang PCG Auxiliary (PCGA).
Ang PCGA aniya ay binubuo ng mga civilian volunteers na tumutulong sa mga humanitarian mission at proyektong pangkomunidad, at walang kapangyarihang katulad ng mga aktibong miyembro ng Coast Guard.









