Dumating na sa Subic ang BRP Sindangan ng Philippine Coast Guard (PCG) sakay ang mga crew FB Akio.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, pagdating sa Subic Bay Free Port, agad na dinala sa James Gordon Hospital ang dalawang mangingisda na nakilalag sina Rolando Lumapaz at Freddie Legaspi na sugatan dahil sa 1st degree burn.
Matatandaang noong Sabado ay nagkaroon ng pagsabog sa makina ng FB Akio malapit sa Bajo de Masinloc kung saan ligtas naman ang kapitan at limang iba pa.
Ayon kay Balilo hindi naging madali ang pag-rescue sa mga crew ng bangka dahil nakaranas ng radio challenges, shadowing at panghaharang ng barko ng China Coast Guard at People’s Liberation Army Navy ships ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG).
Aniya, tumigil lang ang mga ito ng maipaalam na humanitarian mission ang kanilang gagawin kung saan nag-alok pa ang CCG ng tulong para masagip ang mga mangingisda.
Dagdag pa ni Balilo, lumalabas sa paunang imbestigasyon na faulty electrical wiring sa motor ng bangka ang sanhi ng pagsabog.
Muli namang tiniyak ng PCG ang kahandaan na masigurong ligtas ang mga mangingisda ng hindi itinataas ang tensyon sa West Philippine Sea.