Ipinakalat na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue (SAR) teams na kinabibilangan ng kanilang mga air at floating assets para tumulong sa paghahanap sa nawawalang Taiwanese-flagged fishing vessel na Sheng Feng No. 128.
Sa nakuhang report ng PCG, sakay ng nasabing fishing vessel ang isang Taiwanese at limang Indonesian na huling namataan sa layong 414 nautical miles northwest ng Palau noong February 17.
Kaugnay nito, inatasan ng PCG Command Center ang kanilang Coast Guard Districts sa Eastern Visayas, Bicol, Southeastern Mindanao, Northeastern Mindanao, at Northeastern Luzon magkasa ng search and rescue operations.
Nabatid na humingi ng tulong ang Taiwan Coast Guard Attaché na si Commander Arthur Yang para mahanap ang nasabing fishing vessel.
Giit ng nabanggit na opisyal, naunang magsagawa ng operasyon ang dalawang U.S. Coast Guard (USCG) aircraft, isang commercial vessel, walong iba pang Taiwanese fishing vessel at Taiwan Coast Guard pero hindi pa rin nila natagpuan ang fisimg vessel na Sheng Feng No. 128
Kaugnay nito, ipinadala na ng Coast Guard Aviation Force ang Cessna Caravan 2081 para magsagawa ng aerial surveillance sa karagatan sakop ng Eastern Visayas at Bicol Region kung saan baka sakaling napadpad ang Taiwanese fishing vessel sa eastern seaboard ng Pilipinas.