Itinanggi ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagkaroon ng anomalya sa bidding para sa pagbili nila ng mga bagong armas.
Sa pahayag ng PCG, mali ang mga lumabas na mga ulat na nagkaroon ng iregularidad sa bidding ng mga bagong 9mm pistol.
Ang natalong bidder na Korean firm na Dasan Machineries Company Limited ay gumagawa lamang umano ng isyu.
Ito’y dahil hindi pumasa ang mga dokumento na hinahanap ng Bids and Awards Committee ng PCG.
Maging ang ka-joint venture nito ay na-disqualify matapos ang kwestyunableng impormasyon na inilagay sa bidding document.
Wala rin umanong katotohanan ang alegasyon ng nasabing kompanya na overpriced ang mga biniling 9mm pistol.
Muling iginiit ng PCG na hindi tumanggap ng suhol ang mga matataas nilang opisyal at handa silang sagutin ang mga kasong isinampa sa Ombudsman ng natalong kompanya.