Suportado at kinukumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang inilabas na ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) hinggil sa pagkasira ng marine environment at sa coral reef sa Rozul Reef at Escoda Shoal.
Sa datos ng PCG mula August 9 hanggang September 11, tinatayang nasa 33 Chinese vessel ang namataan sa karagatan sakop ng Rozul Reef at 15 naman sa Escoda Shoal.
Kinumpirma rin ito ng BRP Sindangan at BRP Cabra na nagpapatrolya sa paligid ng West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito, sinabi ni PCG Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, nagsagawa ang PCG ng underwater surveys sa seabed ng Rozul Reef at Escoda Shoal kung saan halos wala ng buhay na makikita sa marine ecosystem at maging ang mga coral ay nasira na.
Dahil sa patuloy na iligal at mapanirang aktibidad ng Chinese Maritime Militia sa Rozul Reef at Escoda Shoal, posibleng tuluyan masira at mawasak ang marine environment sa West Philippine Sea.