PCG, lalo pang paiigtingin ang pagbabantay sa karagatang sakop ng EEZ ng bansa

Mas paiigtingin pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabantay sa mga karagatang sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas kasunod ng napaulat na pagbibigay umano ng tulong ng isang Chinese warship sa mga mangingisdang Pilipino sa karagatan ng Zambales.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, malayo sa katotohanan ang pahayag ng China at layon lamang umano nitong ilihis ang isyu at pagtakpan ang patuloy na pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino.

Giit ni Tarriela, dapat nang itigil ng China ang pagpapakalat ng fake news lalo’t lantad at batid na ng publiko ang mga iligal nitong aktibidad sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Bukod kay Tarriela, nanawagan din ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) Chairman Emeritus na si Dr. Jose Antonio Goitia na huwag paniwalaan ang mga propaganda at disinformation na inilalabas ng China.

Paliwanag ni Goitia, hindi madaling malinlang ang taumbayan sa sinasabing pagtulong ng China sa mga mangingisdang Pilipino dahil alam na ng publiko ang tunay na hangarin nito. Hinikayat din niya ang mamamayan na ipagpatuloy ang paninindigan laban sa pambu-bully ng China.

Sa huli, sinabi ni Tarriela na hindi titigil ang PCG sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China at patuloy nilang ilalantad sa international community ang mga ebidensya ng iligal na gawain nito sa West Philippine Sea.

Facebook Comments