Tinatayang nasa 190 na Locally Stranded Individuals (LSIs) ang ihahatid ng Philippine Coast Guard (PCG) sa ilang lalawigan sa Region 7 ngayong araw.
Ayon sa PCG, nagsimula ang registration at ang loading ng mga LSI sa BRP Gabriela Silang kaninang alas 7:00 hanggang alas 8:00 ng umaga at magsisimulang maglayag mula sa Pier 15 ng alas 9:00 ng umaga.
Ang mga nasabing LSIs ay ihahatid sa kanilang mga tahanan sa Zamboanga, General Santos City, Davao City at Cagayan De Oro.
Bukod sa mga LSI, sakay rin ng BRP Gabriela Silang ang 148 Philippine National Police (PNP) personnel patungo sa Cebu City, kasama na rito ang medical supplies para sa mga frontline health workers na ibibigay sa nasabing lungsod at Cagayan De Oro.
Una na nang sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kabilang ang Cebu City, Cebu Province, Ormoc, Southern Leyte, Leyte at Samar sa emerging hotspot dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 kumpara sa ilang lugar.
Dahil sa tumataas ang kaso, nakatuon ngayon ang atensyon ng gobyerno partikular ang DOH sa nasabing mga lugar upang hindi na lumobo ang mga kaso, at hindi na rin kulangin ang mga pasilidad at mga hospital.