PCG, magpapadala ng scientists sa West Philippine Sea para masuri ang lawak ng pinsala sa karagatan

Screenshot from Philippine Coast Guard video

Magpapadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mga scientist sa Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS) upang malaman kung gaano kalawak ang naging pinsala sa naturang karagatan.

Ito’y matapos madiskubre ng PCG ang pagkawala ng mga coral sa isinagawang underwater survey.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore for the West Philippine Sea Jay Tarriela, ito aniya ang dahilan kung bakit magsasagawa sila ng panibagong maritime patrol at underwater survey sa mga susunod na araw kasama ang University of the Philippines Marine Science Institute(UPMSI) upang lubos na maunawaan ang naturang insidente.


Dapat aniyang tutukan ang nadiskubreng pagkasira ng karagatan dahil nasa loob ito ng teritoryo ng bansa.

Nauna nang kinumpirma ng PCG ang pagkasira ng marine ecosystem sa dalawang lugar, kabilang ang discoloration o pag-iba ng kulay ng seabed o ilalim ng dagat.

Dagdag pa ni Tarriela, posibleng dulot din umano ito ng patuloy na panghihimasok ng mga barko ng Chinese Maritime Militia sa lugar.

Sa Rozul Reef at Escoda Shoal din umano naglagi ang mga barko ng Chinese Maritime Militia mula August 9, 2023 hanggang September 11, 2023.

Facebook Comments