Nakahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) na makipagtulungan sa ikakasang imbestigasyon kaugnay sa mga reklamong inihain laban sa pitong Water Search and Rescue (WASAR) trainers ng ahensiya.
Ayon sa PCG, bagama’t hindi pa nila natatanggap ang kopya ngayon ay handa silang magbigay ng legal assistance sa pitong trainers.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa anti-hazing law ang mga nasabing tauhan dahil sa pagkamatay ni Coast Guard Apprentice Seaman (ASN) Mori Caguay noong November 2023.
Sinasabing nalunod si Caguay habang nasa kalagitnaan ng kanilang training sa Cavite.
Samantala, sinabi naman ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Armando Balilo na tinanggal na sa pwesto ang mga sangkot na tauhan habang gumugulong ang internal investigation kaugnay rito.