Mas lalo pang hihigpitan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang seguridad sa mga boundary ng bansa partikular sa tinatawag na back door sa Mindanao.
Ito’y matapos maaresto ang apat na Indian nationals at isang Malaysian dahil sa illegal na pagpasok sa bansa ng walang tamang immigration clearance sa Zamboanga City.
Nadiskubre ng PCG kasama ng PNP-Maritime Group at Bureau of Immigration na pumasok sa “back door” ang limang foreign nationals mula Malaysia patungong Bongao, Tawi-Tawi, gamit ang speed boat.
Matapos nito ay lumipat sila sa commercial passenger-cargo vessel na MV Trisha Kerstin 2, patungong Zamboanga City kung saan pagbaba nila ng pantalan ay dito na sila naharang.
Sa beripikasyon mula sa BI Intelligence Unit, ang apat na Indian nationals ay kabilang sa listahan ng mga blacklisted nationals noong 2004, 2016, at 2024.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng BI para sa tamang disposisyon at kaukulang kaso ang mga naarestong dayuhan.