Nakakapangisda na umano nang maayos ang mga Pilipino sa Bajo Masinloc sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay dahil nabaling ang atensiyon ng China Coast Guard sa pagbabantay sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, dahil sa presensiya ng mga barko ng gobyerno sa WPS, nakakapangisda na nang walang takot ang mangingisdang Pinoy.
Hindi na rin aniya nakararanas ng panggigipit ang mga mangingisda sa karagatan mula sa China Coast Guard.
Dahil dito, tiniyak ni Tarriela na magpapatuloy ang presensiya ng mga barko ng pamahalaan sa WPS para mapangalagaan ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino.
Patuloy rin ang ugnayan ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa complementary deployment ng mga barko sa lugar.