Sa harap ng pananatili ng mga barko ng China sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea (WPS), muling pumalaot ang mga tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lugar.
Kasama sa mga pumalaot sa WPS ang BRP Cabra (MRRV-4409) ng Coast Guard kasama ang dalawa pang mas maliit na barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na pinamamahalaan din ng PCG personnel.
Sa ipinadalang larawan ng Coast Guard, sinabi nito na kuha ang mga ito noong Abril 13 at 14, 2021.
Kita sa mga larawan na nakalapit ang tropa ng Coast Guard sa pitong barko ng China na magkakatabing naka-angkla sa lugar.
Nag-deploy pa ang barko ng PCG ng dalawa nilang rubber boats patungo sa mga Chinese vessel.
Hindi naman na nagbigay ng iba pang detalye ang PCG kung ano pa ang naging eksena sa pagitan ng kanilang tropa at sa paglapit ng mga ito sa Chinese vessel dahil bahagi na anila ito ng operational details.
Ayon kay Coast Guard Spokesman Commodore Armand Balilo, ang mga larawan ng kanilang tropa sa Julian Felipe Reef ay bilang suporta sa naging pahayag ng Task Force WPS kamakailan na patuloy itong magpapadala ng mga sea asset ng pamahalaan sa iba’t bang parte ng WPS para magsagawa ng maritime at sovereignty patrols.