Dahil balik mano-mano ngayon ang operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga paliparan sa pagsasagawa ng swab test sa mga umuwing Overseas Filipino Workers (OFWs), sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo sa Laging Handa public press briefing na nagdagdag sila ng mga IT personnel upang maging mabilis pa rin ang proseso kahit na tumanggi ang Philippine Red Cross (PRC) na magsagawa ng swab test sa mga umuwing OFWs dahil sa hindi pa nababayarang ₱930 million na utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanila.
Ayon kay Balilo, kung dati ay 1 araw lamang ay agad nang mailalabas ang resulta ng swab test, ngayon ay maghihintay pa ng 4 hanggang 5 araw ang mga OFWs bago nila makuha ang resulta ng kanilang test.
Nagiging mabusisi kasi kapag mano-mano ang operasyon dahil pagkalapag ng mga OFWs sa paliparan ay isa-isa nila itong kakausapin, kukunin ang background at kapag nakuhanan na ng swab specimen ay idadaan ito sa mano-manong pagpoproseso kumpara dati na may barcode.
Pero sa ngayon ani Balilo, dahil ayaw naman nilang matengga ang mga OFWs ay ginagawa nila lahat kabilang na ang pagdaragdag ng tauhan upang mapantayan kahit papaano ang sistemang ipinatutupad ng PRC.
Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na umaabot na sa higit 4,000 OFWs ang stranded ngayon sa Metro Manila dahil sa paghihintay na makuha ang resulta ng kanilang swab test.