Idineklara na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang heightened alert status para sa implementasyon ng Oplan Balik Eskwela 2022 mula August 15 hanggang 29, 2022.
Base sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, inihayag ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu, na nakikipag-ugnayan ang PCG sa Philippine Ports Authority (PPA) at Cebu Ports Authority (CPA) para sa 24/7 operation ng DOTr Malasakit Help Desks (MHDs).
Ito’y sa mga major ports, harbors, at iba pang maritime transport facilities kung saan inaasahang dadagsa ang mga pasahero sa muling pagbabalik klase sa mga paaralan.
Ang mga Malasakit Help Desks ng DOTr ay pangungunahan ng mga medical team na siyang magbibigay ng first aid at iba pang pangangailangan ng mga pasahero sa bawat pantalan.
Bukod sa mga pagtanggap at pag-asikaso ng reklamo ng mga pasahero at mga maritime stakeholders, ang Malasakit Help Desks ng DOTr ay kinakailangan din maglabas ng mga ulat sakaling may pagbabanta sa kaligtasan ng publiko.
Magbibigay rin ng libreng pagkain ang Malasakit Help Desks ng DOTr sa mga na-stranded na pasahero at tutulong rin sila na makahanap ng masasakyan pauwi ang bawat pasahero na lalapit sa kanila.
Sinabi naman ni Admiral Abu, magde-deploy ang Coast Guard Districts ng karagdagang K9 teams at security personnel para mas mapalakas pa ang pagbabantay sa kada pantalan at barko gayundin ang pagsusuri sa mga ito.
Isa rin sa mga mandato ng mga tauhan ng PCG ay ang patuloy na pagpapa-alala sa mga crew ng barko at pasahero ang pagsunod sa minimum public health standards kontra COVID-19.
Ikakasa rin ng PCG ang 24/7 maritime patrol operations para maiwasan makapaglayag ang mga kolorum o mga watercraft na walang dokumento lalo na’t walang kasiguraduhan sakaling magkaroon ng aberya o aksidente sa karagatan.