
Para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa pantalan, naghahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa nationwide implementation ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2025.
Simula Dec. 20, 2025 hanggang Jan. 4, 2026, ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na ilagay sa heightened alert ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations sa buong bansa.
Ito’y bunsod ng inaasahang pagdagsa ng milyong-milyong pasahero sa mga pantalan upang ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon sa kani-kanilang probinsya o lalawigan.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., makikipag-ugnayan ang PCG sa Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), at Maritime Industry Authority (MARINA) para lalo pang palakasin ang pagbabantay at seguridad — hindi lamang sa mga pantalan kundi pati na rin sa mga tourist destinations.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, ipapakalat din nila ang Coast Guard personnel sa DOTr Malasakit Help Desks upang gabayan ang mga pasahero, lalo na ang mga mangangailangan ng tulong.









