PCG, naghahanda na sa pagpapatupad ng seguridad para sa Kapaskuhan

Simula Biyernes, December 13, 2024, itataas na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang status sa heightened alert bilang paghahanda sa seguridad ngayong Kapaskuhan.

Inatasan na ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng districts, stations, at sub-stations na palakasin pa ang pagbabantay upang masiguro ang seguridad sa lahat ng mga pantalan, ferry terminal, at pagbiyahe ng mga barko sa karagatan.

Paraan na rin ito para mas maging maayos ang operasyon ng sea transport facilities at maging maginhawa ang pagbiyahe ng publiko na magbabakasyon ngayong Pasko.


Bukod dito, babantayan din ng PCG ang mga beach at private resort sa buong bansa na maaaring dagsain ng mga turista.

Mahigpit rin ang gagawing inspeksyon sa mga gamit at bitbit ng mga pasahero gayundin sa loob ng barko kung saan magtatalaga ng mga medical team para tumulong sakaling may emergency.

Facebook Comments