PCG, naghigpit na rin ng seguridad sa bahagi ng Pasig River at Manila Bay

Photo Courtesy: PCG

Maagang idineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mga tauhan at mga water assets sa paligid ng Pasig River at Manila Bay.

Ito’y upang masiguro na walang magiging problema ang bahagi ng Pasig River at Manila Bay ngayong araw ng inagurasyon ni Presidente-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, sa kasalukuyan ay wala silang natatanggap na banta sa seguridad pero nananatiling alerto ang kanilang mga tauhan.


Paraan din aniya ito upang walang makalusot na indibidwal o grupo na magtatangkang manggulo sa araw ng panunumpa ni Marcos Jr.

Tiniyak naman ni Balilo na hindi maaapektuhan ang daloy ng komersyo sa paghihigpit ng seguridad pero bawat barko na dadaan o bangka ay kanilang sasabayan bilang bahagi ng security protocol.

Pero sa oras naman ng panunumpa ay pahihintuin nila ang lahat ng bangka at barko sa Manila Bay lalo na’t iinuturing nila itong kritikal na oras kung saan magbabalik naman ang operasyon matapos ang pagbibigay pahayag ni Presidente-elect Marcos Jr.

Facebook Comments