
Hinihintay na lamang ng Philippine Coast Guard (PCG) na ipatawag sila para tumulong sa gagawing paghahanap sa mga nawawalang mga sabungero.
Sa harap ito ng impormasyon mula sa Department of Justice (DOJ) na posibleng simulan ang paghahanap sa mga sabungero ngayong Linggo.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, sakaling ipatawag o hingin ang suporta, kanilang ide-deploy ang remote controlled vehicle (ROV).
Bagama’t bihasa na sa pagsisid sa malalim na bahagi ng dagat ang technical divers ng PCG malaking hamon pa rin ang lawak at lalim ng lawa.
Kabilang pa rito ang pagkalabo ng tubig dulot ng debris sa ilalim bukod pa sa lagay ng panahon at sitwasyon ng Bulkang Taal.
Matatandaan na una nang sinabi ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na hihingi rin sila ng tulong sa Japan para sa gagawing paghahanap sa mga sabungero na umanoy itinapon sa Lawa ng Taal.









