PCG, naglabas na ng detalye sa ginawang pagtaboy sa mga barko ng China Maritime Militia

Inilabas na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang impormasyon sa nangyaring pagpapaalis ng mga barko ng China na pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Ayon kay Commodore Arman Balilo, Spokesperson ng Coast Guard, nangyari ito alas-9:00 ng umaga noong April 27 matapos abutan ng BRP Cabra at dalawang barko ng BFAR ang pitong naka-angklang barko sa Sabina Shoal.

Ang Sabina Shoal ay nasa tinatayang 73 milya lamang o katumbas ng 117.48 kilometers ang layo mula sa Mapankal Point sa bayan ng Rizal, Palawan.


Nang mamataan ng BRP Cabra ang mga hindi kilalang barko ay agad itong pinadalhan ng mensahe kung saan iginiit ng PCG na nananatili sila sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at kinakailangan na nilang lumisan.

Ginamit ng Coast Guard ang channel 16 frequency sa radyo upang makausap nila ang pitong nakaangklang barko sa Sabina Shoal.

Tatlong beses nagpadala ng mensahe ang BRP Cabra pero hindi nakatanggap ng sagot kaya’t nilapitan na nito ang pitong barko na napag-alamang mga barko ng Chinese Maritime Militia na agad naman umalis sa nasabing lugar.

Sinundan ng Coast Guard at BFAR ang mga barko ng China para masigurong aalis sila sa Sabina Shoal.

Facebook Comments