Nagsagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) Marine Environmental Protection Command ng water sampling para masuri ang epekto ng nasunog na cargo vessel sa katubigan sa may bahagi ng Delpan Bridge sa Tondo, Maynila.
Kaugnay nito, maglalagay rin ang PCG ng absorbent pads para masala ang makakapal na ‘oil sheens’ sa bahagi kung saan lumubog ang barkong MV TITAN 8.
Matatandaan na tinupok ng apoy ang cargo vessel na may kargang mga drum ng gasolina at ilang tripulante kung saan anim ang sugatan at may naulat na nawawala.
Nadamay rin ang ilang mga bahay matapos anurin ang mga drum na nasusunog.
Mahigit pitong oras naganap ang sunog kung saan umabot ito sa ikalimang alarma bago tuluyang naapula.
Napag-alaman na nakahimpil ang barko para mag-refuel at naghahanda sa biyahe patungong Palawan nang mangyari ang insidente.