Hanggang Biyernes pa naka-alerto ang Philippine Coast Guard (PCG) hanggang makabalik na sa kanilang mga destinasyon ang mga nagsiuwi sa kani-kanilang lalawigan nitong panahon ng Undas.
Ito ang sinabi ni PCG Spokesman Commodore Armand Balilo, batay na rin sa direktiba ni Vice Admiral Art Abu.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Balilo na nakatuon ngayon ang kanilang pansin sa disaster relief operations, matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng.
Sa mga unang araw aniya ng bagyo ay kasali sila sa rescue operations lalo na sa Maguindanao kung saan naitala ang pinaka-maraming nasawi dahil sa landslides, gayundin sa Cavite, maging sa Laguna at Cagayan Province.
Mayroon aniyang naiulat na dalawang sasakyan pandagat na sumadsad sa Zamboanga, dalawa rin sa Batangas at meron din sa Mindoro pero lahat ng mga insidenteng ito ay kanilang natugunan, at lahat naman ng mga sakay at tripulante ay ligtas at nasa maayos na kondisyon nang ilikas ng kanilang mga tauhan.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal, normal na ang operasyon sa mga pantalan.
Hindi naman aniya nangyari ang inaasahan nilang dadagsain ng mga pasahero ang mga pantalan.
Naging maayos naman aniya ang sistemang ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) at naka-pwesto ang kanilang security at safety personnel para sa monitoring hanggang magsibalik ang mga galing lalawigan.