Naka heightened alert na ang Philippine Coast Guard o PCG bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2019 simula ngayong araw.
Ito ay para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa mga pantalan kung saan magtatagal ito ng hanggang January 5, 2020.
Sa naging pahayag ni PCG Commandant Admiral Joel Garcia, inatasan niya ang lahat ng mga coast guard personnel na maging alerto at paigtingin ang pagbabantay aa mga pantalan at ferry terminal para masigurong walang problema at maging maayos ang operasyon.
Iniutos din niya sa kaniyang mga tauhan na tumulong sila sa pagbabantay sa mga beach resorts na madalas puntahan ng mga nais mag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon.
Nagtalaga na din ang coast guard ng mga vessels at patrol boats na siyang magmo-monitor at magbabantay karagatan at sasagip sakaling magkaroon ng aksidente.
24/7 din ang gagawing pagbabantay ng PCG- Special Operations Forces, Harbor Patrols, at Ship Inspectors sa mga malalaking pantalan sa buong bansa.
May mga tauhan din ang coast guard na poposte sa Malasakit Help Desks kung saan katuwang nila sa Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2019 ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para masiguro ang zero maritime incident o casualty ngayong Christmas season.