PCG, naka-heightened alert na para sa BSKE at Undas

Simula sa October 27, itataas na ng Philippine Coast Guard (PCG) sa heightened alert ang kanilang status para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Undas 2023.

Magtatagal ito ng hanggang November 5, 2023 kung saan inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng PCG Districts, Stations, and Sub-Stations na paigtingin ang seguridad.

Kasama na rin dito ang pagpapatupad ng safety measures sa lahat ng pantalan sa buong bansa.


Nais ni Gavan na nasa maayos ang lahat tulad ng mga pasilidad sa mga pantalan, biyahe ng publiko, mapayapang halalan at seguridad sa mga pasyalan tulad ng beach maging sa private resorts.

Iginiit pa ng opisyal na ngayon pa lamang ay pinaghahandaan nila ang pagdagsa ng tao kaya’t nagsasagawa na sila ng 24/7 na pagmo-monitor sa mga pantalan, pasyalan at iba pang tourist destinations.

Maging ang deployable response groups at PCG Auxiliary ay nakahanda na rin sa pagsapit ng undas kung saan ang Coast Guard K9 units at ibang security teams ay tutulong upang maging maayos at ligtas ang BSKE.

Hinihimok naman ni Gavan ang lahat ng kaniyang tauhan na maging mapagmatyag lalo na sa inspeksyon ng mga gamit ng pasahero habang naka-standby naman ang medical team ng PCG sakaling may emergency.

Facebook Comments