Simula bukas, naka-heightened alert na ang Philippine Coast Guard (PCG) bilang paghahanda sa dagsa ng mga pasaherong uuwi ng mga probinsya ngayong holiday season.
Ayon kay PCG Commandant, Admiral Ronnie Gavan, inatasan na niya ang lahat ng mga PCG District, Stations at Sub-Stations para paigtingin pa ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero sa mga pantalan at ferry terminals.
Layon daw nitong masiguro ang kaayusan ng operayon ng mga pantalan at mga pasilidad at maging maayos at mapayapa ang biyahe ngayong Pasko.
Inabisuhan din ni Admiral Gavan ang mga tauhan ng PCG na paigtingin ang pag-iinspeksiyon sa mga gamit ng mga pasahero.
Nakipag-ugnayan na rin ang PCG sa Philippine Ports Authority at Maritime Industry Authority para sa pagsasagawa ng safety and security inspections sa mga sasakyang pandagat.