PCG, nakahanda na sa paparating na Bagyong Betty

Nakahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para papalapit na bagyo na tatawaaging Betty na posibleng makapasok ng bansa sa darating na weekend.

Kaugnay nito, inihanda na ng PCG ang mga Deployable Response Groups (DRGs) at Quick Response Teams (QRTs) sa Cordillera Administrative Region at Ilocos region.

Inatasan na rin ni PCG Officer-in-Charge, Vice Admiral Rolando Punzalan Jr. ang mga District Commanders na siguraduhin ang kahandaan ng mga Coast Guard Stations at Sub-Stations, lalo na sa Hilagang Luzon kung saan inaasahang tatama ang sama ng panahon.


Dagdag pa rito, mas hinigpitan na rin ng mga Coast Guard personnel ang pag-iinspeksyon sa mga barko, bangka, at iba pang sasakyang pandagat upang masigurong magiging ligtas ang kanilang paglalayag.

Patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga tripulante at mangingisda na tumutok sa pinakahuling lagay ng panahon para maiwasan ang anumang aksidente sa karagatan.

Nakahanda na rin ang mga search and rescue (SAR) assets ng PCG para agad na ma-deploy sa oras na makapagtala ng pagbaha sa mga residential areas.

Tuluy-tuloy rin ang pakikipag-koordinasyon ng PCG sa mga Local Government Units (LGUs) para malaman kung ano ang kinakailangan nilang tulong para makapagbigay ng maaasahang serbisyo publiko.

Hiling naman ng PCG sa mga residente, makiisa sa panawagan ng paglikas bago pa man bumuhos ang malakas na ulan at tumaas ang baha.

Facebook Comments