Naihatid na ng BRP Suluan ang 11 tonelada ng relief supplies sa tatlong isla ng Bohol na lubhang nasalanta ng Bagyong Odette.
Ang mga islang ito ay ang Balicasag Island, Pamilacan Island at Tintinan Island.
Nakipag-ugnayan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Local Government Unit (LGU) ng Bohol para maisakatuparan ang naturang misyon.
Katuwang ang mga residente, mabilis na naipamahagi sa mga pamilyang bumabangon sa epektong iniwan ng nagdaang kalamidad ang 140 sako ng bigas, 102 bundle ng purified drinking water at 70 sako ng delata.
Naganap ang relief transport mission, pagkatapos maihatid ang 15 toneladang donasyon mula sa Maynila papuntang Cebu City.
Samantala, patuloy sa pagtanggap ng cash donation ang PCG Foundation at ngayon ay umaabot na ito sa Php1,494,612.91.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesman Commodore Armand Balilo, makakaasa ang publiko na gagamitin ang naturang halaga para maibigay ang anumang pangangailangan ng mga pamilyang lubos na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Paliwanag pa ni Balilo, nananawagan ang PCG Task Force Kalinga sa mga nais magbigay ng Cash Donations para sa agarang rehabilitasyon ng mga komunidad na napinsala ng nagdaang kalamidad.
LAND BANK OF THE PHILIPPINES
Account Name: PCG Support System Foundation Inc.
Account Number: 0281-1025-75
Bukas din ang PCG Task Force Kalinga para sa in-kind donations tulad ng mga sumusunod: mineral water, mineral water containers, face masks, relief goods, toiletries, diapers / sanitary pads, tsinelas, bagong damit, kumot, gamot, laundry detergent, sleeping mats, flashlights, kandila at tents.
Maaaring dalhin ang in-kind donations sa National Headquarters sa Port Area, Manila o sa Coast Guard Base Farola na matatagpuan sa Binondo, Manila.
Narito ang contact details para sa CASH / IN-KIND DONATIONS:
PCG Public Affairs – 0927 560 7729
PCG Civil Relations Service – 0977 642 6004
PCG Logistics Systems Command – 0927 852 3944.