PCG, nakibahagi sa ikinakasang ash fall clearing operation ng PDRRMO Sorsogon

Nakibahagi ang Philippine Coast Guard o PCG sa isinasagawang strategic planning na pinangungunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kaugnay ng “ash fall clearing operations” matapos ang “phreatic eruption” ng Mt. Bulusan noong Linggo.

Ito’y upang maging maayos ang daanan upang mabilis na maihatid ang tulong sa mga apektadong indibidwal dahil sa pag-alburuto ng Bulkang Bulusan.

Una nang nagdagdag ng deployable response group o DRG ang PCG para mapabilis ang “ash fall clearing operations” sa mga apektadong lugar.


Ayon kay Coast Guard Spokesman Commodore Armand Balilo, bukod sa kanilang mga tauhan…kasama rin tumutulong ang Philippine Army (PA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Kaugnay niyan, nakatutok din PCG Station Sorsogon sa pagbibigay ng serbisyo sa mga pamilyang apektadosa Juban, Sorsogon.

Tumulong din ang mga PCG personnel sa pag-set-up ng mga family tents sa Juban Gymnasium bilang panibagong evacuation center sa munisipalidad.

Ayon pa kay Balilo, sinundo na ang mga apektadong pamilya para ligtas na makalipat sa Juban Gymnasium mula sa Juban Evacuation Center.

Sa pinakahuling tala ng PCG Station Sorsogon, aabot sa 58 pamilya o 216 na residente ang inilikas dahil sa pag-alburuto ng Mt. Bulusan.

Facebook Comments