Binigyang-diin sa ika-122 Founding Anniversary ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang importanteng papel sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Sa talumpati ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu, sinabi nitong nananatiling matibay ang paninindigan nila na mabantayan at hindi maangkin ng anumang bansa ang teritoryo ng Pilipinas.
Inihalimbawa ni Abu ang hindi pag-atras ng kaniyang mga tauhan kahit pa malinaw ang mga pag-uudyok, bullying, at pananakot ng Chinese Coast Guard sa kanilang mga tauhan tuwing nagsasagawa sila ng resupply missions para sa mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Giit ni Abu, matagumpay ring nabuwag ng kanilang mga tauhan ang mga floating barrier o boya na inilagay ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Sa iba aniyang parte ng West Philippine Sea ay dinagdagan pa nila ang mga navigational boya na pag-aari ng Pilipinas para magsilbing tanda na teritoryo ito ng bansa.