
Nanindigan si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na hindi siya pasisindak sa mga umano’y pananakot ng China.
Ito ay sa gitna ng palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan nina Tarriela at ng Embahada ng China sa Pilipinas kaugnay ng isyu ng teritoryo, partikular sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tarriela, patunay lamang na epektibo ang isinusulong ng PCG na transparency initiatives dahil natatakot umano ang China kapag nalalaman ng publiko ang tunay na nangyayari sa lugar.
Giit ng opisyal, kung tunay na nais ng Beijing na mabura ang negatibong imahe nito sa isyu, dapat muna nitong igalang ang 2016 arbitral award at lisanin ang mga iligal na inookupahang reclaimed islands sa West Philippine Sea.
Bukod dito, iginiit ni Tarriela na itigil na ng China ang patuloy na umano’y pangha-harass sa mga Pilipinong mangingisda sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Binigyang-diin niya na ang transparency sa West Philippine Sea ay hindi isang paghamon, kundi isang paraan lamang ng paglalahad kung sino ang nambubully at kung sino ang biktima.
Nauna nang sinabi ng China na hindi nito tinatanggap ang mga umano’y misleading at walang basehang pahayag kaugnay ng mga usaping pandagat.










