PCG, patuloy na mino-monitor ang isang barko sa Batangas na may sakay ng mga tripulante na nagpositibo sa COVID-19

Patuloy na nagpapatrolya at mino-monitor ng Philippine Coast Guard (PCG) Station sa Batangas ang isang barko na may mga sakay na crew na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa PCG, nananatili ang barkong St. Anthony de Padua sa katubigan ng Bauan Bay matapos makumpirma na 28 sa 82 crew member nito ay mayroong COVID-19.

Nabatid na nanggaling sa Caticlan, Malay, Aklan ang naturang barko na bumiyahe papuntang Batangas.


Sa impormasyon ng PCG, nakaramdam ng sintomas ng COVID-19 ang isa sa mga tripulante ng barko kaya sumailalim agad ito sa RT-PCR test saka nalamang positibo sa COVID-19.

Agad ding sinuri ang mga kasamahan ng tripulante sa barko kung saan nasa 27 pa sa kanila ay positibo rin sa COVID-19.

Sa tulong ng Provincial Health Office (PHO) ng Batangas, ibinaba ang tatlo sa 28 na COVID-19 patients na kasalukuyang naka-isolate sa San Juan Doctors Hospital, Golden Gate General Hospital, at Chateau Royale Kalinga Hotel.

Nasa maayos namang kondisyon ang tatlo habang hindi naman bumaba ng barko ang 25 kasamahan ng mga ito na nagpositibo sa COVID-19 kung saan naka-isolate at mino-monitor ng mga doktor na nasa barko.

Nakatutok naman ang PHO ng Batangas sa pagbibigay ng karagdagang tulong sa iba pang tripulante na nananatili sa naturang barko habang regular din ang pag-a-update ng shipping company sa PCG para maibahagi ang pinakahuling lagay ng mga pasyente.

Facebook Comments