Patuloy na umaapela ang Philippine Coast Guard o PCG sa mga residente ng Volcano Island na huwag munang magpumilit na bumalik sa isla.
Paliwanag ni PCG Spokesperson Captain Armand Balilo, nananatili sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal at hindi daw rason ang bahagyang pananahimik ng Taal Volcano para magsibalikan ang mga residente.
Sinabi pa ni Balilo na ang mga tauhan ng Coast Guard ay tuloy-tuloy na nagpapatrolya sa Taal Lake upang mamonitor ang mga biyahe ng mga bangka, lalo na ang mga nagsasakay ng mga taong gustong bumalik sa Volcano Island.
Agad na sinusuway ang mga residente na magpupumilit na pumuslit para makapunta sa Volcano Island kung saan sakali namang may emergency o kailangang-kailangan talaga na magtungo sa Volcano Island ang residente, dapat na magkaroon muna ito ng clearance at sasamahan pa mismo ng PCG patungo sa isla.
Ayon pa kay Balilo, sa isinasagawa nilang patrolya ay halos sampung bangka ang nasasaway nila araw-araw mula nang pumutok ang Bulkang Taal.
Sa ngayon, nasa tatlumpung personnel ang idineploy ng PCG para magsalitan ng duty sa paligid ng Taal Lake.
Mayroon namang isang bangka, jetski at aluminum boat ang mga PCG personnel, pero sinabi ni Balilo na magdadagdag sila ng dalawang rubber boats.