PCG, patuloy sa paghahanap sa mga mangingisdang nawawala sa Palawan; Philippine Air Force, tumutulong na rin sa search and rescue operation

Hindi titigil ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahanap sa pitong nawawalang mangingisda sa karagatan sakop ng Palawan.

Ito ang mensahe ng PCG sa pamilya ng mga mangingisda na sakay ng FB JOT-18 na lumubog matapos mabangga ng isang cargo vessel sa Agutaya.

Kaugnay nito, tuloy-tuloy pa rin ang paggalugad ng Coast Guard katuwang ang mga tauhan ng Philippine Air Force at Philippine Navy kabilang na sa lugar kung saan pinaniniwalaang lumubog ang bangka ng mangingisda.


Nauna nang nagpalabas ng Notice to Mariners ang Coast Guard para iabiso sa mga dumaraang barko sa lugar na may mga hinahanap na mangingisda at makatulong sila sa pagmamanman sa dagat.

Sinabi rin ni PCG Spokesman Commodore Arman Balilo na nakarekober sila ng debris mula sa lumubog na fishing boat habang ang nasangkot na cargo ship na MV Happy Hiro ay kasalukuyang nakahimpil sa Culasi, Antique para sa gagawing imbestigasyon.

Kabilang dito ang pagtukoy kung ano ang naganap na humantong sa nangyaring bangaan, ano ang ginawang hakbang ng MV Happy Hiro para maiwasan sana ang aksidente lalo pa at maliwanag pa noong oras na naganap ito.

Ang 13 mangingisda naman na nasagip ay dinala na sa Lipata Port sa Culasi, Antique para matutukan ang kanilang kalagayan kung kinakailangan ng tulong medikal.

Facebook Comments