Umalma ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ipinakalat ng China na pakana ng Pilipinas ang civilian convoy patungo sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, Spokesperson ng PCG on West Philippine Sea, boluntaryo ang paglalayag ng civil society groups at walang pag-uudyok mula sa gobyerno.
Paliwanag ni Tarriela sa kasalukuyan, isang barko ang nakaalalay sa Atin Ito Coalition na kinabibilangan ng BRP Bagacay na isang 44-meter vessel at isang eroplano ang idineploy rin ng Coast Guard.
Isa pang dagdag na barko ang ide-deploy ng Philippine Coast Guard para umalalay sa civilian convoy.
Tiniyak naman ni Tarriela na sisiguruhin umano nila ang kaligtasan ng mga sibilyan na kasama sa paglalayag.
Nauna nang nakakuha ng impormasyon na nakaabang na umano sa ngayon ang China Coast Guard maging ang mga China Militia Vessel sa Bajo de Masinloc.