PCG rescuer, patay matapos malunod sa kasagsagan ng rescue operation sa La Union dahil sa masamang panahon

Patay ang isang Philippine Coast Guard (PCG) rescuer matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa kasagsagan ng search and rescue (SAR) operation sa Sitio Daeng, Barangay Halog East, Tubao, La Union, ngayong araw.

Kinilala ang biktima na si CG Petty Officer Third Class (PO3) Ponciano Nesperos na isa mga miyembro ng Special Operations Group-North Western Luzon (SOG-NWLZN) na rumesponde sa “drowning incident” sa Sitio Daeng kasabay ng nagpapatuloy na sama ng panahon.

Batay sa ulat ng PCG, pagdating sa lugar ng insidente, dahan-dahang tumawid si Nesperos para i-secure ang “safety line” sa kabilang bahagi, ngunit nawalan siya ng balanse at tuluyang tinangay ng rumaragasang ilog.


Sinubukan siyang iligtas, ngunit wala siyang malay nang ma-recover ng PCG SAR team.

Agad namang dinala si Nesperos sa La Union Medical Center, ngunit idineklarang “dead on arrival.”

Samantala, patuloy naman ang koordinasyon ng PCG sa mga kaanak ni Nesperos upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa kanila.

Facebook Comments