
Suportado ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag basta-basta ideklarang persona non grata ang sinumang diplomat.
Kasunod ito ng panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan dahil sa patuloy na tensiyon at palitan ng mga pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, bagama’t bukas ang Pilipinas sa dayalogo, hindi kailanman titigil ang ahensya sa pagprotekta ng karapatan at seguridad ng mga nasasakupang teritoryo.
Kaugnay nito, sinabi ni Tarriela na iniiwasan umano ng Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei ang tunay na isyu: ang diumano’y iligal, agresibo, at mapanlinlang na mga aksyon ng ilang barko ng China sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Tarriela na nakabatay sa mga faktwal na ebidensya ang kaniyang mga ipinapahayag, gaya ng paggamit ng water cannon, pagbangga, pagtutok ng military-grade lasers, at delikadong pagmaneobra na nagdudulot ng panganib sa mga Pilipinong mangingisda.
Aniya, ang patuloy na hindi pagkilala ng China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award ang nagdudulot ng lamat sa relasyon ng dalawang bansa — at hindi ang ginagawang transparency ng Pilipinas para depensahan ang teritoryo at mamamayan.










