PCG, tiniyak na itataboy ang Chinese Militia Vessels sa Iroquois Reef at Sabina Shoal

Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na paiigtingin pa nito ang pagpapatrolya para sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay upang itaboy ang hinihinalang Chinese Maritime Militia Vessels na nakita sa Iroquois Reef at Sabina Shoal sa exclusive economic zone ng bansa.

Ayon kay PCG Spokesperson for WPS Affairs Commodore Jay Tarriela, magpapadala ang PCG ng dalawang barko sa lugar kung saan nagkumpulan ang 48 barko ng China.


Palalakasin rin ng PCG at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapatrolya sa lugar hanggang sa mapaalis ang mga ito dahil posibleng maging panimula ito ng iligal na pagsakop ng China sa lugar.

Dagdag pa ni Tarriela, sa oras na naibabalita at naisasapubliko ang ginagawa ng Chinese militia ay umaalis ang mga ito dahil babatikusin sila ng iba’t ibang mga bansa.

Matatandaang namataan sa Iroquois Reef noong June ang 48 Chinese vessel habang nakita naman ang tatlong Chinese Coast Guard ship at dalawang People’s Liberation Army-Navy vessels malapit sa Sabina Shoal.

Facebook Comments