Umalma ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paratang na tumatanggap umano ng suhol ang kanilang tauhan sa Binangonan Sub Station Rizal mula sa kapitan ng tumaob na MB Aya Express.
Ito ay matapos ihayag ng kapitan ng motorbanca na si Donald Anain sa pagdinig ng Senado na nagbibigay siya ng “padulas” sa mga tauhan ng PCG para payagang makapaglayag.
Ayon kay Coast Guard Spokesperson, RAdm. Armand Balilo, walang katotohanan ang naging pahayag ni Anain dahil sa itinanggi na rin mismo nito ang pagbibigay umano ng alak sa mga tauhan ng Coast Guard
Giit ni Balilo, wala ring hinihingi ang kanilang mga tauhan sa Binangonan ng kahit ano mula kay Anain taliwas sa naging pahayag nito sa Senado.
Matatandaang inahayag ni Anain na nagbibigay siya ng ₱100 na halaga ng saging at ₱50 para payagan silang makapaglayag, kasunod ng pagsisiwalat ng Maritime Industry Authority (MARINA) na wala siyang lisensya para maglayag.