PCIC, dinoble ang ibibigay na bayad-pinsala sa kada ASF-culled hog

Dinoble ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang ibinibigay na bayad-pinsala sa kada buhay na baboy na isasailalim sa culling dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Mula sa dating P5,000 ay ginawa ng P10,000 ang ipagkakaloob sa mga hog raiser na kusang magpapatay ng alagang baboy na tinamaan ng sakit.

Ayon kay PCIC President Atty. Jovy Bernabe, ang Swine Insurance Program ay pina-relax na version ng kanilang regular livestock insurance program.


Layon nito na matulungan ang mga hog raisers na matinding pinabagsak ASF na maibangon ang industriya at mapatatag ang presyo ng karneng baboy sa merkado.

Ang PCIC swine industry insurance ay dagdag na ayuda ng gobyerno maliban sa programang Bantay ASF sa Barangay at Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) na may layuning ibangon ang swine industry.

Kasabay nito, hinikayat ng Department of Agriculture ang mga hog raiser na agad ipagbigay-alam ang mga insidente ng pagkakasakit ng baboy upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.

Facebook Comments