PCO, dismayado sa mabagal na aksyon ng social media companies sa mga fake news content

Nanawagan ang Presidential Communications Office (PCO) ng mas mahigpit na regulasyon sa mga social media platform, pagbabago sa community standards, at National Media Literacy Campaign upang labanan ang lumalalang problema sa online disinformation.

Bahagi ito ng kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa fake news.

Ayon kay PCO Secretary Jay Ruiz, kailangang mapanagot ang mga digital platforms sa nilalaman ng kanilang mga pinapakalat na content.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Ruiz sa umano’y mabagal na tugon ng social media companies sa pagtanggal ng mga content na na-flag bilang disinformation.

Ang ganitong kapabayaan aniya ay nagbibigay-daan sa paglaganap ng mapanirang impormasyon bago pa man ito maagapan.

Kinuwestiyon din ni Ruiz ang pagiging epektibo ng fact-checking sa bilis ng takbo ng digital information.

Ayon pa kay Ruiz, kailangang manghimasok na ang pamahalaan upang magtakda ng mga pamantayan at regulasyon, tulad ng ginagawa sa mga radio at TV stations na sumusunod sa alituntunin ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Facebook Comments