Kailangang mas pairalin ang maayos at matipid na paggamit ng kuryente.
Ito ang inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) sa harap ng napipintong pagsapit ng panahon ng tag-init.
Ayon sa PCO, hindi lamang sa mga kabahayan dapat sanang ugaliing gawin ang pagtitipid ng kuryente ngayong nararamdaman na ang tag-init kundi maging sa mga workplace.
Kaugnay nito’y ibinahagi naman ng PCO ang mga impormasyon kaugnay sa energy efficiency mula sa Department of Energy.
Makatutulong aniya ang paggamit ng mga ilaw na LED na siguradong makakabawas sa konsumo ng kuryente habang nakakatulong din sa pagtitipid sa kuryente para sa environmental benefits at paglaban sa climate change.
Una dito’y inihayag ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na ikinukunsidera ng gobyerno na magpatupad ng mas maagang pagbubukas sa mga tanggapan ng gobyerno partikular ng alas siyete ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon para makatipid sa kuryente at ilagay sa 25 ang temperatura ng mga air condition sa mga government offices.