
Sang-ayon si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez sa puna ni Senador Win Gatchalian hinggil sa imprastrakturang proyekto ng PCO na isinagawa kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Gomez, hindi na sana dapat pinasok ng dating administrasyon ang naturang proyekto dahil labas ito sa pangunahing mandato ng ahensya.
Giit ng kalihim, nakatuon ang kasalukuyang PCO sa mga tungkuling may direktang kinalaman sa komunikasyon at public information, at hindi sa mga gawaing pang-imprastraktura.
Matatandaang isinawalat ni Gatchalian, na base sa 2024 Commission on Audit (COA) report, ay kinontrata ng PCO ang DPWH noong 2019 para sa konstruksyon ng Government Communications Academy sa Bukidnon (Phase II) na nagkakahalaga ng ₱45.7 milyon.
Sa mga sumunod na ulat ng COA mula 2020 hanggang 2023, lumabas din ang kahalintulad na proyekto pero nasa P79 million na ang halaga.
Tiniyak naman ni Gomez na tinatapos na ang proseso ng donasyon ng gusali sa Northern Bukidnon State College, kung saan makikinabang ang maraming mag-aaral.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit ₱120 milyon at 90% nang tapos batay sa pinakahuling COA report.









