
Kinumpirma ni PCO Sec. Dave Gomez na mananatili si Undersecretary Claire Castro sa Malacañang bilang Palace Press Officer, dalawang linggo matapos magsumite ng courtesy resignation kasunod ng reorganisasyon sa Presidential Communications Office (PCO).
Sa bisa ng Special Order na inilabas ni PCO Secretary Dave Gomez nitong July 29, ipinag-uutos na “effective immediately” ang pananatili ni Castro sa kanyang posisyon.
Nakasaad din dito na ang kumpirmasyon na hindi magreresulta sa bagong plantilla item o karagdagang kompensasyon.
Bilang Palace Press Officer, si Castro ang mangunguna sa pagbibigay ng opisyal na pahayag at media briefing hinggil sa mga aktibidad, polisiya, at posisyon ng pangulo.
Siya rin ang mamumuno sa koordinasyon sa Media Accreditation and Relations Office, Presidential News Desk, at iba pang yunit ng PCO kaugnay ng press relations at media operations.
Matatandaang noong unang araw ni Gomez bilang kalihim, iniutos nito sa lahat ng political appointees sa ahensya na mag-sumite ng courtesy resignation bago mag July 18.









